Sunday, September 9, 2012

Pasensya na! Tao lang.



Ayon sa Genesis, nilikha ang tao sa imahe ng Diyos. Siya ay purong inosente at mabuti sa pagkapanganak at  ang kamatayan ay hindi likas sa kanya. Subalit nang dahil sa pagsuway ni Eba sa kautusan ng Diyos na huwag kainin ang banal na prutas ay sinasabing nagbago ang lahat. Diumano, ang tao ay naging makasalanan na at ang kamatayan ay umiral. Dito marahil nagmula ang kaisipan natin tuwing nagkakamali tayo:

"Pasensya na! Tao lang."

Wala ako sa lugar para manghusga sa sinasabi ng Bibliya. Wala rin akong mapanghahawakan para mapatunayan kung totoo man ito o hindi. Gayunpaman, masasabi ko lang na ang mabuhay sa kaisipang pwede akong magkamali dahil yun ang likas sa tao ay hindi kaayaaya.

Maaari tayong magkamali sa buhay. Minsan nga'y hindi natin sinasadyang gawin ang mga 'yon. Mas lalo nating ginagamit bilang katwiran ang pagiging tao na isa namang malaking pagkakamali. Siguro nga't normal na kung tayo'y magkamali pero di dapat natin hayaan ang ating mga sarili na hindi man lang magkusang gumawa ng kabutihan o umiwas sa pagkakasala. Natural man o nakasanayan ang isang bagay, mahalaga pa rin kung ano ang nararapat at nakabubuti.

Ang isang pagkakamali nina Adan at Eba ay hindi makatwirang dahilan para tayo'y mamuhay nang nagsasala.  Di dapat ito ang nagdidikta sa kung papaano tayo makitungo sa ating kapaligiran, sa ating kapwa at sa ating mga sarili. Kaisipan lang iyon at hindi buong katotohanan. May lugar pa tayo para magbago, para maging iba sa nakakarami. Huwag nating tularan ang ibang tao na hindi ipinaglalaban ang kabutihan na naaayon sa kautusan ng Diyos kung kaya't nahuhulog sila sa lungga ng kasamaan.

Sunday, August 19, 2012

EL CIEGO ni AMORSOLO

El Ciego (The Blind Man)
ni Fernando Cueto Amorsolo. 1929.



Si Fernando Amorsolo ay kilalang Pilipinong pintor na hindi lang dalubhasa sa teknikal na aspeto kundi pati rin sa mahusay na pag-iinterpreta ng kanyang mga obra maestra. Ang madalas ngang tema ng kanyang mga gawa ay ang kulturang Pilipino. Nailalarawan niya ang mga karanasan ng isang Pilipino.







Tampok sa larawan ang isang lalakeng nagpapatugtog ng gitara. Alam nating ang gitara ay isang instrumentong parte na ng ating kultura bilang mga Pilipino. Kinahihiligan ito ng ating mga ninuno mula pa sa sinaunang panahon. Sa mga pagdiriwang tulad ng piyesta o di kaya sa panliligaw gaya ng panghaharana, di nawawala ang gitara. Nagiging simbolo nga ang gitara ng pagiging masiyahin at dalisay ng mga Pilipino. Sa piyesta, ito ang nagpapasigla ng mga tao. Kung pinapatugtog, nagsisimula na ang sayawan at kantahan. Sa harana naman, naipapahiwatig ng isang lalaki ang kanyang pagmamahal sa babaeng minamahal. Lahat ng ito'y may positibong idinudulot o kinahahatnan. Kaya naman masasabi nating ang El Ciego ay isang may tradisyunal na konsepto batay na rin sa interpretasyong makukuha natin mula sa gitara.

Friday, August 3, 2012

Wansapanataym

#FILeleven_05

Ang kwento ng Pagong at ng Matsing ay maituturing nating isang pabula o isang maikling kwento na may kaagabay na aral para sa mga mambabasa nito. Dito, ginagamit ang mga hayop bilang mga tauhan na nagsasalita, kumikilos at nabubuhay na parang isang tunay na tao. Siyempre pa't meron itong apat mahahalagang elemento ng isang maikling kwento: ang tauhan, tagpuan, banghay at tema. Nakapaloob naman sa banghay ang tunggalian at resolusyon. Ang lahat ng ito ay may masinop na ugnayan sa isa't isa kung gayon mayroon siyang organikong kaisahan.

Maihahalintulad ang kwento ng Pagong at Matsing sa maraming makabagong gawa pero nasa tradisyunal na konsepto. Magandang halimbawa ang mga napapalabas sa Wansapanataym. Tulad ng sa kwento, pinapakita rito ang ideyal na estado ng realidad kung saan maiuugnay natin ang kasabihang "Tuso man daw ang matsing, naiisahan pa rin.".

Dahil katangian ng Panitikang Tradisyunal ang Istiryutipong Tauhan, may alam na tayong mga mambabasa kung ano ang maaaring mangyayari sa mga tauhan o kung ano ang kahahangtungan ng buong kwento. Madalas, ang naaapi ay magwawagi sa huli habang ang nang-aapi ay uuwing talunan. Marami ring ibang istiryutipong nailahad sa kwento maliban sa moralidad ng mga tauhan. Naroon din ang kasarian. Kalimitang inuugnay sa mga babae ang pagiging inosente, mahina, kawawa at mabuti. Sa lalaki naman ay malakas, sinungaling at masama. Sa madaling salita, mayroon laging magkasalungat, magkatunggali at magkaiba. Nakikita sa ganitong paraan kung sino o ano ang dapat tularan o pagkukunan ng aral.



Sa Wansapanataym...simula pa lang sa Pamagat ay minsan nalalaman na natin kung sinu-sino ang mga tauhan o ano ang pag-iikutan ng kwento. Dahil sa mga istiryutipo ay natutukoy din natin agad kung sinu-sino ang mga kontrabida at hindi. Hindi rin natin mailimita lang ang lulan at panahon dahil maaari nating maiugnay sa kahit anong araw o kahit saang lugar ang mga pangyayari sa kwento. Epektibo ang paglalahad ng mga pangyayari kung kaya't malinaw ang SGW (simula-gitna-wakas), kronoholikal o linyar ang ayos at tahasang naibibigay ang aral. Lahat ng ito ay mas lalong pinapalakas ang paninindigan ng may-akda hinggil sa paksa na siya ring tema ng kwento. Ngayon, alam na nating may kaugnayan ang lahat ng mga elemento sa kwento kaya't masasabi talaga nating lantad ang organikong kaisahan nito. Maayos ang paglahad ng mga tauhan, tagpuan, mga pangyayari at aral sa kwento. Walang sagabal, walang labis, walang kulang. Kaya nga't ang mga manonood ng Wansapanataym ay hindi lang mga matatanda kundi kabilang din ang mga bata dahil kahit sa murang edad ay maiintindihan nila ang daloy ng palabas o kwento.

Ang aral na aking natutunan sa kwento ng Pagong at Matsing ay ang hindi pagiging ganid o sakim. Minsan hindi nga madali para sa akin ang maging mapagbigay sa iba lalo na kapag pinaghirapan ko talaga ang bagay na iyon at yung humihingi naman ay wala talagang ginawa. May mga beses din na hindi talaga ako nagbibigay. Subalit, pinipilit ko namang maging bukas-palad dahil iniisip kong iyon ang nararapat. Kung wawariin ko nga ang sarili ko sa tema ng kwento ay siguro mas pipiliin ko pang maging mapagbigay tulad ni Pagong. Hindi ko dapat ipagpatuloy ang pagiging makasarili tulad ni Pagong dahil sa huli't huli wala itong magandang maidudulot.

Wednesday, July 25, 2012

Mutya Ko

#FILeleven_04


Sa kanyang ika-30 anibersaryo, inihandog ng Ateneo
Entablado ang Mutya. Tampok dito ang dalawang dula:
MGA SANTONG TAO ni Tomas Remegio at
ANG SISTEMA NI PROPESOR TUKO ni Al Santos.



Ang dulang MGA SANTONG TAO ay mababase natin sa kolonyalismo noong unang panahon ng mga Kastila subalit maihahalintulad  pa rin natin ito sa panahon ngayon lalong-lalo na sa ating lipunan. Umiikot ang kwento sa mag-asawang si Ambrosio at Titay, kasama rin ang  tatlong makapangyarihan tao sa lipunan-- ang kura, ang sakristan mayor at ang piskal.

Sa usapin ng elemento ng naratibo/pagtatanghal, mas nabibigyan-diin ang modernismo ng dula sa todong pag-arte ng mga tauhan sa kalaswaan. Ang mga manonood din mismo ay natatawa sa halip na mandiri o umangal sa ganoong palabas. Gayunpaman, ang dula'y nagiging tradisyunal unang-una dahil sa linggwaheng ginamit. Malalalim na salitang Pilipino at nasa anyong tula ang pagbigkas ng mga tauhan. Higit sa lahat, mababase natin ang kwento sa ating kasaysayan, partikular na sa panahon ng mga Kastila.

Sa kabuuan ng dula ay masasabi kong magkahalong tradisyunal at moderno ito.  Moderno ito dahil lantad ang paglalarawan nito sa mga totoong kaganapan sa ating lipunan. Kay dami-raming masasamang loob na umaabuso sa mga inosente. Bukod dito, totoo rin namang mga taong walang kaya  pero sobrang wais naman kung makadiskarte tulad na lang ni Titay. Walang nagpapaka-martir dahil sa totoong buhay nga naman, natural lang sa tao na ipaglaban ang kanyang sarili kahit anong mangyari. Wala ding napapalampas na gawain na walang kapalit. Ikanga, hindi makatarungan ang buhay.




Tradisyunal siya dahil bagama't sinamantala si Titay ng tatlong manliligaw ay nasa kanya pa rin ang huling halakhak. Sa pagtawa nga ni Titay ang pagtatapos ng dula. Ito nga'y may malaking papel sa buong konsepto ng kwento na may kaugnayan sa mitolohiya ng mga Griyego. Sa "The Laugh of the Medusa" nga ni Helene Cixous, mas maiintindihan natin kung ano ang simbolo ng pagtawa ng isang babae sa huling sandali. Inilalahad nito ang pagwagi ng kababaihan laban sa kalalakihan.



Sa madaling salita, umiikot ang kwento sa isyu ng pantay na pagtingin sa kasarian o mas tinatawag nating gender equalityIsang napakagandang halimbawa ang kwento ni Mulan. Sa ating lipunan, madalas ang babae ang siyang naaapi kaya't ang lalaki pa rin ang umuuwing matagumpay. O di kaya'y minamaliit ang kakayahan ng mga babae lalong-lalo na sa pamumuno. Taliwas ito sa nangyari sa dula. Nakapaghiganti o nadaya ni Titay ang kanyang tatlong manliligaw. Hindi siya ang naging kaawaawa at katanga-tanga.


Kung gayon, mas lamang pa rin ang pagiging tradisyunal ng dulang Mga Santong Tao dahil nagbibigay pag-asa ito sa mga kababaihan na mayroon pa rin silang halaga sa lipunan.



_______________________________________________________________


Ang dulang ANG SISTEMA NI PROPESOR TUKO ay naglalahad ng bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Umiikot ang kwento sa apat na estudyanteng sina Bubbles, Bondying, Kiko, Ningning at ang kanilang mabagsik na guro na si Propesor Tuko.

Sa usapin ng elemento ng naratibo/pagtatanghal, tradisyunal ang dula dahil sa kasuotan at kilos ng mga tauhan. Sa pamamagitan ng mga ito ay mas nabibigyan-linaw ang estereotipo ng mga estudyante at guro. Si Bubbles ay basagulero, si Bondying ay patanga-tanga, si Kiko ay nerd, at si Propesor Tuko ay ang baduy at  na titser. Ang tema naman ng kwento ay mababase rin noong unang panahon pero maaari pa ring maihahalintulad sa kasalukuyan. Sa kabilang dako, nagiging moderno rin ang dula dahil sa linggwaheng ginamit ng mga tauhan. Nasasalamin din dito ang pagiging OA ng ibang Pilipino sa pagsasalita ng Ingles.

Sa kabuuan ng dula ay masasabi ko ding magkahalong tradisyunal at moderno ito.  Moderno ito dahil inilalarawan nito ang mga totoong kaganapan sa ating lipunan lalo na sa edukasyon. Isang malaking suliranin sa ating bansa ang hindi maayos na pagpapalaganap ng edukasyon sa ating mga kabataan kung kaya't hindi napapahalagahan o napapakinabangan ito. Ito ang lantad na dahilan kung hindi umaasenso ang bansa.

Tradisyunal din siya sa huli't huli dahil bagama't madaming di magandang nangyari kina Bubbles, Bondying, Kiko at Ningning kay Propesor Tuko, naayos din naman nila ang kanilang poblema. Nagkaroon pa rin ng pagkakataon maituwid ang naging baluktot na edukasyong ibinabahagi ni Propesor Tuko sa kanyang mga estudyante. Nangibabaw ang pagpapakumbaba at pakikipagtulungan sa kanila.

Masasabi kong mas lumutang ang pagiging tradisyunal ng dula dahil naipakita nito ang ideyal na estado ng realidad sa mundo ng edukasyon. Naging masalimoot man sa simula, naging maganda pa rin naman ang wakas.

(L-R) Pao Acabado, Rafa Casimiro, Sir Jet Tenorio, Louie Cudo, Gab Espedido


Tuesday, July 24, 2012

Pagbasa ng Tula




Reinterpretasyon: Payo sa Pagbasa ng Tula
Hindi nalalayo sa TREASURE HUNTING ang pagbasa ng tula

Faith Decangchon

Dorothy Guya

KD Montenegro


Friday, July 13, 2012

OA mo teh!

#FILeleven_03

Dalawang magkaibang dako sa mundo ng panitikan...
May iba't ibang katangain at pagpapakahulugan...
Pawang may malaking kaugnayan sa sangkatauhan.



TRADISYONAL. Romantisismo.
Itinatampok nito ang ideyal na estado ng realidad.
Ideyal, sa puntong scripted o di kaya'y predictable na ang katapusan ng kwento. Tulad na lamang sa palabas na "Mara Clara," na kahit ginawan pa ng makabagong bersyon at di nalalayo sa naunang konsepto ay nakukuha pa rin nito ang panlasa ng mga manonood. Ang kwento nito'y pangkaraniwan lang kung saan may nang-aapi at naapi. May magkukrus na landas at bigla-biglang mabubunyag ang nakaraan na makakaepekto sa kasalukuyan. Hindi na ito bago sa atin, lalo na sa ating mga Pilipino. Kaya't isang malaking mosyon kung bakit wari'y hindi pa rin tayo nagsasawa sa pabalik-balik na konsepto, ang pagiging tradisyonal.


MODERNO. Realistiko.
Ang pokus nito ay ang karanasan at buong katotohanan.

Sa madaling salita, wala itong plastikan! Tagos lahat dito sa pagkatao ng iba't ibang indibidwal. Walang kiyemeng ipinapakita nito ang mga tunay na kaganapan sa buhay kahit pa'y bulgar na masyado ang mga 'to. Sa isang punto'y nagiging mala-moderno ang "Mara Clara." Malinaw ang pagsasadiwa ng kahirapan. Totoo nga namang may mga tao talagang makakagawa ng pinakamalala para lamang malagpasan ang pagdurusa.



Sa huling yugto ng palabas ay nanood kami ng aking ina at nasabi niyang, "Ano ba yan!? Nagiging OA na masyado. Wala naman siguurong ganyan kalupit o ka-demonyo tulad ni Gary sa totoong buhay." Kung tutuusin, medyo hindi na nga makatwiran ang kasamaang inaakto ng kontrabida. Dito naglalaro ang tradisyonal at modernong anyo sa palabas. Moderno, sapagkat may bahid ito ng liberalismo. Gayunpaman sa huli, tradisyonal pa rin kung maituturing ang konsepto ng "Mara Clara." Ano pa't sa dinami-rami ng kapahamakan o sakunang dumating (lalo na sa bida) ay maganda pa rin ang naging katapusan.

Friday, July 6, 2012

Feel na feel ang Mangga!

#FILeleven_02



Ipagpalagay nalang natin na ang makikita sa video ay maihahalintulad sa pagkain ko ng mangga sa loob ng klase
---'yun nga lang, may slow motion effect ang sa 'kin. :)))

Puno ng pagtataka ang lahat nang sinabihan ang klase na magdala ng mangga, tubig at tissue para sa susunod na pagkikita sa Filipino. Ang lumalaro pa nga sa isipan ko ay ang pagkakaroon ng isang pagganap batay na rin sa pinapabasang tula na "Payo sa Bumabasa ng Tula" ni Rolando S. Tinio. Kakaiba nga lang ang nasa isipan ko--- baka aakto kaming kakain ng mangga at pagkatapos ay biglang sasakit ang aming tiyan kung kaya't magagamit namin ang tissue at tubig. The End.

Bago pa itinalakay ni G. Tenorio ang tungkol sa tula ay nanaliksik na ako tungkol dito. Isa itong halimbawa ng metapoetry, kung gayun, mas napatunayan kong isa itong tula ukol sa pagbasa ng tula. Diumano'y ang pagbasa ng tula ay katulad ng sa mangga: may balat, laman at buto. Alam ko na ang lahat ng ito subalit hindi ko gaanong naintindihan ang buong pakuhulugan nito lalo pa't malalalim ang mga salitang ginamit dito.

Sa klase, pinakain kami ng mangga pero hindi para lamang mabusog. Kinailangan naming maging mapanuri sa lahat ng pagkakataon habang binabalatan at nginunguya ang mangga. Ika nga, dapat feel na feel ang pagkain ng mangga. Inilarawan din namin ang balat, laman at buto nito. Ibinahagi rin namin ang aming naging karanasan sa pagkain ng mangga sa loob ng klase. Umamin akong hindi madali iyon dahil wala akong eksaktong mga kagamitan at natakot din akong baka mabahiran ng katas ang papel ko. Hindi ako naging komportable sa sobrang lagkit. Gayunpaman, natapos ko nang matiwasay ang gawain.

Matapos ang mga talakayan ay mas naliwanagan ako sa buong konteksto ng tulang aming binasa. Ang pagbasa nga ng tula ay maihahalintulad sa mangga na may BALAT na siyang nagsisilbing istruktura ng tula. Sunod ay ang LAMAN na tumutukoy sa mga salita ng tula. At ang panghuli ay ang BUTO na kumakatawan sa pakahulugan ng buong tula.

Marahil layunin ng gawaing ito na matutunan ang mga konsepto at paraan ng pagpapakahulugan o interpretasyon. At nang dahil sa mangga, napagtanto kong...
Tayo ay maaaring may iba't ibang interpretasyon sa tula o ano pa mang nakapaligid sa 'tin.