Ayon sa Genesis, nilikha ang tao sa imahe ng Diyos. Siya ay purong inosente at mabuti sa pagkapanganak at ang kamatayan ay hindi likas sa kanya. Subalit nang dahil sa pagsuway ni Eba sa kautusan ng Diyos na huwag kainin ang banal na prutas ay sinasabing nagbago ang lahat. Diumano, ang tao ay naging makasalanan na at ang kamatayan ay umiral. Dito marahil nagmula ang kaisipan natin tuwing nagkakamali tayo:
"Pasensya na! Tao lang."
Wala ako sa lugar para manghusga sa sinasabi ng Bibliya. Wala rin akong mapanghahawakan para mapatunayan kung totoo man ito o hindi. Gayunpaman, masasabi ko lang na ang mabuhay sa kaisipang pwede akong magkamali dahil yun ang likas sa tao ay hindi kaayaaya.
Maaari tayong magkamali sa buhay. Minsan nga'y hindi natin sinasadyang gawin ang mga 'yon. Mas lalo nating ginagamit bilang katwiran ang pagiging tao na isa namang malaking pagkakamali. Siguro nga't normal na kung tayo'y magkamali pero di dapat natin hayaan ang ating mga sarili na hindi man lang magkusang gumawa ng kabutihan o umiwas sa pagkakasala. Natural man o nakasanayan ang isang bagay, mahalaga pa rin kung ano ang nararapat at nakabubuti.
Ang isang pagkakamali nina Adan at Eba ay hindi makatwirang dahilan para tayo'y mamuhay nang nagsasala. Di dapat ito ang nagdidikta sa kung papaano tayo makitungo sa ating kapaligiran, sa ating kapwa at sa ating mga sarili. Kaisipan lang iyon at hindi buong katotohanan. May lugar pa tayo para magbago, para maging iba sa nakakarami. Huwag nating tularan ang ibang tao na hindi ipinaglalaban ang kabutihan na naaayon sa kautusan ng Diyos kung kaya't nahuhulog sila sa lungga ng kasamaan.
No comments:
Post a Comment