Sa kanyang ika-30 anibersaryo, inihandog ng Ateneo
Entablado ang Mutya. Tampok dito ang dalawang dula:
MGA SANTONG TAO ni Tomas Remegio at
ANG SISTEMA NI PROPESOR TUKO ni Al Santos.
Ang dulang MGA SANTONG TAO ay mababase natin sa kolonyalismo noong unang panahon ng mga Kastila subalit maihahalintulad pa rin natin ito sa panahon ngayon lalong-lalo na sa ating lipunan. Umiikot ang kwento sa mag-asawang si Ambrosio at Titay, kasama rin ang tatlong makapangyarihan tao sa lipunan-- ang kura, ang sakristan mayor at ang piskal.
Sa kabuuan ng dula ay masasabi kong magkahalong tradisyunal at moderno ito. Moderno ito dahil lantad ang paglalarawan nito sa mga totoong kaganapan sa ating lipunan. Kay dami-raming masasamang loob na umaabuso sa mga inosente. Bukod dito, totoo rin namang mga taong walang kaya pero sobrang wais naman kung makadiskarte tulad na lang ni Titay. Walang nagpapaka-martir dahil sa totoong buhay nga naman, natural lang sa tao na ipaglaban ang kanyang sarili kahit anong mangyari. Wala ding napapalampas na gawain na walang kapalit. Ikanga, hindi makatarungan ang buhay.
Tradisyunal siya dahil bagama't sinamantala si Titay ng tatlong manliligaw ay nasa kanya pa rin ang huling halakhak. Sa pagtawa nga ni Titay ang pagtatapos ng dula. Ito nga'y may malaking papel sa buong konsepto ng kwento na may kaugnayan sa mitolohiya ng mga Griyego. Sa "The Laugh of the Medusa" nga ni Helene Cixous, mas maiintindihan natin kung ano ang simbolo ng pagtawa ng isang babae sa huling sandali. Inilalahad nito ang pagwagi ng kababaihan laban sa kalalakihan.
Sa madaling salita, umiikot ang kwento sa isyu ng pantay na pagtingin sa kasarian o mas tinatawag nating gender equality. Isang napakagandang halimbawa ang kwento ni Mulan. Sa ating lipunan, madalas ang babae ang siyang naaapi kaya't ang lalaki pa rin ang umuuwing matagumpay. O di kaya'y minamaliit ang kakayahan ng mga babae lalong-lalo na sa pamumuno. Taliwas ito sa nangyari sa dula. Nakapaghiganti o nadaya ni Titay ang kanyang tatlong manliligaw. Hindi siya ang naging kaawaawa at katanga-tanga.
Kung gayon, mas lamang pa rin ang pagiging tradisyunal ng dulang Mga Santong Tao dahil nagbibigay pag-asa ito sa mga kababaihan na mayroon pa rin silang halaga sa lipunan.
_______________________________________________________________
Ang dulang ANG SISTEMA NI PROPESOR TUKO ay naglalahad ng bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Umiikot ang kwento sa apat na estudyanteng sina Bubbles, Bondying, Kiko, Ningning at ang kanilang mabagsik na guro na si Propesor Tuko.
Sa usapin ng elemento ng naratibo/pagtatanghal, tradisyunal ang dula dahil sa kasuotan at kilos ng mga tauhan. Sa pamamagitan ng mga ito ay mas nabibigyan-linaw ang estereotipo ng mga estudyante at guro. Si Bubbles ay basagulero, si Bondying ay patanga-tanga, si Kiko ay nerd, at si Propesor Tuko ay ang baduy at na titser. Ang tema naman ng kwento ay mababase rin noong unang panahon pero maaari pa ring maihahalintulad sa kasalukuyan. Sa kabilang dako, nagiging moderno rin ang dula dahil sa linggwaheng ginamit ng mga tauhan. Nasasalamin din dito ang pagiging OA ng ibang Pilipino sa pagsasalita ng Ingles.
Sa kabuuan ng dula ay masasabi ko ding magkahalong tradisyunal at moderno ito. Moderno ito dahil inilalarawan nito ang mga totoong kaganapan sa ating lipunan lalo na sa edukasyon. Isang malaking suliranin sa ating bansa ang hindi maayos na pagpapalaganap ng edukasyon sa ating mga kabataan kung kaya't hindi napapahalagahan o napapakinabangan ito. Ito ang lantad na dahilan kung hindi umaasenso ang bansa.
Tradisyunal din siya sa huli't huli dahil bagama't madaming di magandang nangyari kina Bubbles, Bondying, Kiko at Ningning kay Propesor Tuko, naayos din naman nila ang kanilang poblema. Nagkaroon pa rin ng pagkakataon maituwid ang naging baluktot na edukasyong ibinabahagi ni Propesor Tuko sa kanyang mga estudyante. Nangibabaw ang pagpapakumbaba at pakikipagtulungan sa kanila.
Masasabi kong mas lumutang ang pagiging tradisyunal ng dula dahil naipakita nito ang ideyal na estado ng realidad sa mundo ng edukasyon. Naging masalimoot man sa simula, naging maganda pa rin naman ang wakas.
(L-R) Pao Acabado, Rafa Casimiro, Sir Jet Tenorio, Louie Cudo, Gab Espedido |
No comments:
Post a Comment