Ang kwento ng Pagong at ng Matsing ay maituturing nating isang pabula o isang maikling kwento na may kaagabay na aral para sa mga mambabasa nito. Dito, ginagamit ang mga hayop bilang mga tauhan na nagsasalita, kumikilos at nabubuhay na parang isang tunay na tao. Siyempre pa't meron itong apat mahahalagang elemento ng isang maikling kwento: ang tauhan, tagpuan, banghay at tema. Nakapaloob naman sa banghay ang tunggalian at resolusyon. Ang lahat ng ito ay may masinop na ugnayan sa isa't isa kung gayon mayroon siyang organikong kaisahan.
Maihahalintulad ang kwento ng Pagong at Matsing sa maraming makabagong gawa pero nasa tradisyunal na konsepto. Magandang halimbawa ang mga napapalabas sa Wansapanataym. Tulad ng sa kwento, pinapakita rito ang ideyal na estado ng realidad kung saan maiuugnay natin ang kasabihang "Tuso man daw ang matsing, naiisahan pa rin.".
Dahil katangian ng Panitikang Tradisyunal ang Istiryutipong Tauhan, may alam na tayong mga mambabasa kung ano ang maaaring mangyayari sa mga tauhan o kung ano ang kahahangtungan ng buong kwento. Madalas, ang naaapi ay magwawagi sa huli habang ang nang-aapi ay uuwing talunan. Marami ring ibang istiryutipong nailahad sa kwento maliban sa moralidad ng mga tauhan. Naroon din ang kasarian. Kalimitang inuugnay sa mga babae ang pagiging inosente, mahina, kawawa at mabuti. Sa lalaki naman ay malakas, sinungaling at masama. Sa madaling salita, mayroon laging magkasalungat, magkatunggali at magkaiba. Nakikita sa ganitong paraan kung sino o ano ang dapat tularan o pagkukunan ng aral.
Ang aral na aking natutunan sa kwento ng Pagong at Matsing ay ang hindi pagiging ganid o sakim. Minsan hindi nga madali para sa akin ang maging mapagbigay sa iba lalo na kapag pinaghirapan ko talaga ang bagay na iyon at yung humihingi naman ay wala talagang ginawa. May mga beses din na hindi talaga ako nagbibigay. Subalit, pinipilit ko namang maging bukas-palad dahil iniisip kong iyon ang nararapat. Kung wawariin ko nga ang sarili ko sa tema ng kwento ay siguro mas pipiliin ko pang maging mapagbigay tulad ni Pagong. Hindi ko dapat ipagpatuloy ang pagiging makasarili tulad ni Pagong dahil sa huli't huli wala itong magandang maidudulot.
No comments:
Post a Comment