#FILeleven_02
Ipagpalagay nalang natin na ang makikita sa video ay maihahalintulad sa pagkain ko ng mangga sa loob ng klase
---'yun nga lang, may slow motion effect ang sa 'kin. :)))
Puno ng pagtataka ang lahat nang sinabihan ang klase na magdala ng mangga, tubig at tissue para sa susunod na pagkikita sa Filipino. Ang lumalaro pa nga sa isipan ko ay ang pagkakaroon ng isang pagganap batay na rin sa pinapabasang tula na "Payo sa Bumabasa ng Tula" ni Rolando S. Tinio. Kakaiba nga lang ang nasa isipan ko--- baka aakto kaming kakain ng mangga at pagkatapos ay biglang sasakit ang aming tiyan kung kaya't magagamit namin ang tissue at tubig. The End.
Bago pa itinalakay ni G. Tenorio ang tungkol sa tula ay nanaliksik na ako tungkol dito. Isa itong halimbawa ng metapoetry, kung gayun, mas napatunayan kong isa itong tula ukol sa pagbasa ng tula. Diumano'y ang pagbasa ng tula ay katulad ng sa mangga: may balat, laman at buto. Alam ko na ang lahat ng ito subalit hindi ko gaanong naintindihan ang buong pakuhulugan nito lalo pa't malalalim ang mga salitang ginamit dito.
Sa klase, pinakain kami ng mangga pero hindi para lamang mabusog. Kinailangan naming maging mapanuri sa lahat ng pagkakataon habang binabalatan at nginunguya ang mangga. Ika nga, dapat feel na feel ang pagkain ng mangga. Inilarawan din namin ang balat, laman at buto nito. Ibinahagi rin namin ang aming naging karanasan sa pagkain ng mangga sa loob ng klase. Umamin akong hindi madali iyon dahil wala akong eksaktong mga kagamitan at natakot din akong baka mabahiran ng katas ang papel ko. Hindi ako naging komportable sa sobrang lagkit. Gayunpaman, natapos ko nang matiwasay ang gawain.
Matapos ang mga talakayan ay mas naliwanagan ako sa buong konteksto ng tulang aming binasa. Ang pagbasa nga ng tula ay maihahalintulad sa mangga na may BALAT na siyang nagsisilbing istruktura ng tula. Sunod ay ang LAMAN na tumutukoy sa mga salita ng tula. At ang panghuli ay ang BUTO na kumakatawan sa pakahulugan ng buong tula.
Marahil layunin ng gawaing ito na matutunan ang mga konsepto at paraan ng pagpapakahulugan o interpretasyon. At nang dahil sa mangga, napagtanto kong...
Tayo ay maaaring may iba't ibang interpretasyon sa tula o ano pa mang nakapaligid sa 'tin.
pagmumuni-muni pa rin ito sa natalakay. subukin pa rin ang paglalapat. :) - sir tenorio
ReplyDelete