Friday, June 29, 2012

`Pag di mo gets, ART yan!

#FILeleven_01

Sa lahat ng ibinahagi ni Ginoong Tenorio sa amin ukol sa PANITIKAN ay may higit na nakakuha ng aking pansin. Agad akong napatawa sa sinabi niyang "`Pag di mo gets, art yan!" May halong panununya pero talaga namang may bahid ito ng katotohanan.




Kakaiba ang paraan nang pagtuklas namin sa pagpapakahulugan ng panitikan. Nagsimula ito sa pagbabahagi ng iba't ibang gawang pampanitikan, mapa-Pilipino o mapa-Ingles man. Kasunod nito ay ang pagpapaliwanag kung ano ang panitikan para sa amin.


Sa grupo ko, sinabi naming "Ang Panitikan ay bunga ng malikhaing kaisipan." `Yong ibang grupo naman ay may kanya-kanya ding depinisyon sa paksa. Pinagsama-sama ang lahat ng ideyang ibinahagi sa iisang pakahulugan:


Ang panitikan ay isang uri ng sining na nagpapahayag at sumasalamin sa karanasan ng tao.

Sa linyang binitawan ni G. Tenorio at sa kabuuan ng aming pagtatalakay ay napagtanto kong ang panitikan ay isang pambihirang sining. Mas lalo nating nakikita ang tunay nitong kagandahan sa pagiging misteryoso o kataka-taka. Higit nating napapansin ang kadakilaan nito dahil pinupukaw nito ang ating interes kung kaya't mas inuunawa natin ang ibig nitong ipakahulugan. Sa ano't ano man, tayo bilang mga manonood o mambabasa ay may iba't ibang interpretasyon sa mga gawang pampanitikan.

1 comment:

  1. mainam. subukin lang ilapat din sa kulturang popular. balikan ang panuto sa silabus. :)

    ReplyDelete