Sunday, August 19, 2012

EL CIEGO ni AMORSOLO

El Ciego (The Blind Man)
ni Fernando Cueto Amorsolo. 1929.



Si Fernando Amorsolo ay kilalang Pilipinong pintor na hindi lang dalubhasa sa teknikal na aspeto kundi pati rin sa mahusay na pag-iinterpreta ng kanyang mga obra maestra. Ang madalas ngang tema ng kanyang mga gawa ay ang kulturang Pilipino. Nailalarawan niya ang mga karanasan ng isang Pilipino.







Tampok sa larawan ang isang lalakeng nagpapatugtog ng gitara. Alam nating ang gitara ay isang instrumentong parte na ng ating kultura bilang mga Pilipino. Kinahihiligan ito ng ating mga ninuno mula pa sa sinaunang panahon. Sa mga pagdiriwang tulad ng piyesta o di kaya sa panliligaw gaya ng panghaharana, di nawawala ang gitara. Nagiging simbolo nga ang gitara ng pagiging masiyahin at dalisay ng mga Pilipino. Sa piyesta, ito ang nagpapasigla ng mga tao. Kung pinapatugtog, nagsisimula na ang sayawan at kantahan. Sa harana naman, naipapahiwatig ng isang lalaki ang kanyang pagmamahal sa babaeng minamahal. Lahat ng ito'y may positibong idinudulot o kinahahatnan. Kaya naman masasabi nating ang El Ciego ay isang may tradisyunal na konsepto batay na rin sa interpretasyong makukuha natin mula sa gitara.

Friday, August 3, 2012

Wansapanataym

#FILeleven_05

Ang kwento ng Pagong at ng Matsing ay maituturing nating isang pabula o isang maikling kwento na may kaagabay na aral para sa mga mambabasa nito. Dito, ginagamit ang mga hayop bilang mga tauhan na nagsasalita, kumikilos at nabubuhay na parang isang tunay na tao. Siyempre pa't meron itong apat mahahalagang elemento ng isang maikling kwento: ang tauhan, tagpuan, banghay at tema. Nakapaloob naman sa banghay ang tunggalian at resolusyon. Ang lahat ng ito ay may masinop na ugnayan sa isa't isa kung gayon mayroon siyang organikong kaisahan.

Maihahalintulad ang kwento ng Pagong at Matsing sa maraming makabagong gawa pero nasa tradisyunal na konsepto. Magandang halimbawa ang mga napapalabas sa Wansapanataym. Tulad ng sa kwento, pinapakita rito ang ideyal na estado ng realidad kung saan maiuugnay natin ang kasabihang "Tuso man daw ang matsing, naiisahan pa rin.".

Dahil katangian ng Panitikang Tradisyunal ang Istiryutipong Tauhan, may alam na tayong mga mambabasa kung ano ang maaaring mangyayari sa mga tauhan o kung ano ang kahahangtungan ng buong kwento. Madalas, ang naaapi ay magwawagi sa huli habang ang nang-aapi ay uuwing talunan. Marami ring ibang istiryutipong nailahad sa kwento maliban sa moralidad ng mga tauhan. Naroon din ang kasarian. Kalimitang inuugnay sa mga babae ang pagiging inosente, mahina, kawawa at mabuti. Sa lalaki naman ay malakas, sinungaling at masama. Sa madaling salita, mayroon laging magkasalungat, magkatunggali at magkaiba. Nakikita sa ganitong paraan kung sino o ano ang dapat tularan o pagkukunan ng aral.



Sa Wansapanataym...simula pa lang sa Pamagat ay minsan nalalaman na natin kung sinu-sino ang mga tauhan o ano ang pag-iikutan ng kwento. Dahil sa mga istiryutipo ay natutukoy din natin agad kung sinu-sino ang mga kontrabida at hindi. Hindi rin natin mailimita lang ang lulan at panahon dahil maaari nating maiugnay sa kahit anong araw o kahit saang lugar ang mga pangyayari sa kwento. Epektibo ang paglalahad ng mga pangyayari kung kaya't malinaw ang SGW (simula-gitna-wakas), kronoholikal o linyar ang ayos at tahasang naibibigay ang aral. Lahat ng ito ay mas lalong pinapalakas ang paninindigan ng may-akda hinggil sa paksa na siya ring tema ng kwento. Ngayon, alam na nating may kaugnayan ang lahat ng mga elemento sa kwento kaya't masasabi talaga nating lantad ang organikong kaisahan nito. Maayos ang paglahad ng mga tauhan, tagpuan, mga pangyayari at aral sa kwento. Walang sagabal, walang labis, walang kulang. Kaya nga't ang mga manonood ng Wansapanataym ay hindi lang mga matatanda kundi kabilang din ang mga bata dahil kahit sa murang edad ay maiintindihan nila ang daloy ng palabas o kwento.

Ang aral na aking natutunan sa kwento ng Pagong at Matsing ay ang hindi pagiging ganid o sakim. Minsan hindi nga madali para sa akin ang maging mapagbigay sa iba lalo na kapag pinaghirapan ko talaga ang bagay na iyon at yung humihingi naman ay wala talagang ginawa. May mga beses din na hindi talaga ako nagbibigay. Subalit, pinipilit ko namang maging bukas-palad dahil iniisip kong iyon ang nararapat. Kung wawariin ko nga ang sarili ko sa tema ng kwento ay siguro mas pipiliin ko pang maging mapagbigay tulad ni Pagong. Hindi ko dapat ipagpatuloy ang pagiging makasarili tulad ni Pagong dahil sa huli't huli wala itong magandang maidudulot.